Mahigit ₱47 milyon halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasamsam ng PDEA Regional Office BARMM sa Tawi-Tawi Provincial Office, kasabay ng pag-aresto sa dalawang high-value target sa isang buy-bust operation sa Barangay Poblacion, Sibuto, Tawi-Tawi, noong Marso 11, 2026.

Pinangunahan ang intelligence-driven operation ng Tawi-Tawi PDEA sa tulong ng Tawi-Tawi Police Provincial Office, PDEU-TTPPO, Marine Battalion Landing Team-4, 1st Special Operations Unit ng Maritime Group, NICA, at Sibuto Municipal Police Station.

Narekober ang pitong (7) golden-yellow tea bags na may label na “Guanyinwang” na naglalaman ng puting kristal na pinaghihinalaang shabu, tinatayang may bigat na 7,000 gramo at halagang ₱47,600,000. Kasama rin sa narekober ang buy-bust money, isang gray luggage, at isang mobile phone na pinaniniwalaang ginamit sa transaksyon.

Arestado ang mga suspek na sina Alyas “Alvin,” 31, at Alyas “Ben,” 31, parehong residente ng Bongao, Tawi-Tawi. Isasampa sa kanila ang kaso sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may parusang habang-buhay na pagkakakulong.

Iginiit ng PDEA at PNP ang kanilang patuloy na kampanya laban sa iligal na droga upang mapanatiling ligtas ang komunidad.