Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa ilalim ng Department of Science and Technology na opisyal nang nagtapos ang La Niña phenomenon sa bansa matapos bumalik sa ENSO-neutral levels ang kondisyon ng karagatan sa tropical Pacific.

Batay sa datos ng Oceanic Niño Index (ONI), nagpapakita ang kasalukuyang kondisyon ng karagatan na wala nang umiiral na La Niña o El Niño. Ayon sa mga forecast model, inaasahang magpapatuloy ang ENSO-neutral conditions mula Enero–Pebrero–Marso hanggang Hunyo–Hulyo–Agosto ng 2026.

Gayunman, nagbabala ang ahensya na kahit natapos na ang La Niña, maaari pa ring maapektuhan ang distribusyon ng ulan sa bansa ng iba pang weather at climate systems. Posible pa ring makaranas ng mga pag-ulan na maaaring magdulot ng flash floods at rain-induced landslides, lalo na sa mga lugar na bulnerable sa ganitong sakuna.

Patuloy na babantayan ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa bansa at maglalabas ng mga update kung kinakailangan. Pinapayuhan din ang publiko at mga kinauukulang ahensya na manatiling alerto at magsagawa ng mga kaukulang pag-iingat upang mabawasan ang epekto ng mga panganib na dulot ng panahon at klima.