Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang 16 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱108,800 sa isinagawang buy-bust operation nitong Disyembre 3, 2025, bandang 7:40 ng umaga sa Barangay Kalawag 1, Isulan, Sultan Kudarat.
Isinagawa ang operasyon ng Isulan Municipal Police Station at 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, sa ilalim ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12.
Arestado sa operasyon ang suspek na nakilala sa alyas “Jay,” 29 anyos, walang asawa, at residente ng nasabing barangay.
Nasamsam mula sa suspek ang 14 medium-sized heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Dinala agad sa Isulan MPS ang suspek at lahat ng nakumpiskang ebidensya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Pinuri naman ni PRO 12 Regional Director PBGEN Arnold P. Ardiente ang mabilis na aksyon at mahusay na koordinasyon ng mga operatiba.
Aniya, “Patuloy na ipinapakita ng PRO 12 ang matatag na paninindigan sa paglaban sa ilegal na droga sa SOCCSKSARGEN. Patuloy naming poprotektahan ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga komunidad.”

















