Nasabat sa isang checkpoint ang isang trak ng basura na kargado ng tinatayang ₱3 milyon halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo sa bayan ng Kalilangan, Bukidnon, noong Nobyembre 10, 2025.

Ayon sa ulat, bandang alas-2:45 ng hapon nang pahintuin ng mga tauhan ng 1004th Maneuver Company, sa koordinasyon ng Provincial Intelligence Unit at ng Kalilangan Municipal Police Station, ang naturang sasakyan sa Sitio Ticub, Barangay Pamotolon.

Minamaneho ang trak ni Amad (di tunay na pangalan), 45, residente ng Tukuran, Zamboanga del Sur, at kasama si Malik (di tunay na pangalan), 38, mula sa Marawi City. Ayon sa mga suspek, nagdadala umano sila ng basurang materyales patungong General Santos City, ngunit nabigong magpakita ng wastong OR/CR ng sasakyan. Dahil dito, nagsagawa ng masusing inspeksyon ang mga awtoridad.

Sa pagsisiyasat, natuklasan ang 75 master cases ng San Marino na sigarilyo na itinago sa likurang bahagi ng trak, dahilan upang arestuhin ang dalawang suspek.

Isinagawa sa lugar ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang sigarilyo, sa presensya ng mga suspek at dalawang Barangay Kagawad ng Barangay Pamotolon.

Ang mga nakumpiskang produkto at ang trak ay nakatakdang isalin sa Bureau of Customs sa Tagoloan, Misamis Oriental, para sa tamang disposisyon.

Nanindigan ang Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 10 sa kanilang kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad, alinsunod sa direktiba ng Pansamantalang Hepe ng Philippine National Police, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., at sa patnubay ng Regional Director ng PRO 10.