Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱1.2 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isinagawang intelligence-driven checkpoint operation sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:30 ng umaga noong Pebrero 21, 2026 nang magsagawa ng joint anti-criminality checkpoint sa paligid ng 2nd MP, 1401st MC, RMFB 14-A Pinantao Detachment sa Brgy. Pinantao, Parang.

Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 1401st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 14-A sa ilalim ng superbisyon ni PCPT Earll Jeffrey S. Lopez, OIC Company Commander, katuwang ang iba’t ibang yunit kabilang ang RID, PRO BAR, RIU 15, PIU, MDN PPO, Parang MPS, at Bureau of Customs (BOC) – Parang Sub-Port.

Sa isinagawang inspeksyon, naharang ang isang puting Isuzu dump truck na may plakang MCW 4434. Nang siyasatin, natuklasang kargado ito ng mga kahon ng sigarilyong hinihinalang ipinuslit sa bansa, partikular ang New Berlin brand.

Batay sa paunang imbentaryo, umabot sa 1,441 reams katumbas ng 20 master cases at 441 reams ang nakumpiska, na may tinatayang kabuuang halaga na ₱1,233,034.88.

Agad na inaresto ang drayber at kasalukuyang nasa kustodiya ng Parang Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga kaso. Nakatakdang i-turn over ang nasabat na sasakyan at mga kontrabando sa Bureau of Customs – Cotabato para sa tamang dokumentasyon at karagdagang legal na proseso.

Patuloy namang tiniyak ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng mga checkpoint at intelligence-driven operations bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at iba pang uri ng kriminalidad sa lalawigan.