Nasabat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) katuwang ang Marantao Municipal Police Station ang tinatayang ₱1.68 milyon na halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Bacol, Marantao, Lanao del Sur, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Marantao PNP, sakay ng isang Toyota Hi-Ace van ang mga kontrabando kasama ang tatlong suspek na agad na inaresto ng mga otoridad.
Narekober sa loob ng sasakyan ang humigit-kumulang 80 kahon ng iba’t-ibang brand ng pekeng sigarilyo.
Ang mga nasabat na kontrabando, pati na ang mga nadakip na suspek, ay dinala sa tanggapan ng CIDG Lanao del Sur para sa kaukulang disposisyon at paghahain ng kaso.