Aabot sa ₱1.9 milyong halaga ng hinihinalang substandard na mga cellphone at computer ang nasamsam sa isang operasyon sa Brgy. Poblacion, Ipil, Zamboanga Sibugay.

Pinangunahan ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Zamboanga Sibugay Provincial Field Unit, katuwang ang mga tauhan ng National Telecommunications Commission (NTC) Regional Office 9.

Sa naturang operasyon, inaresto ang isang 20-anyos na babae na kinilalang si alyas “Cara.”

Nakumpiska mula sa suspek ang 35 unit ng iba’t ibang uri ng cellular phone, 10 tablet, at dalawang laptop computer na umano’y walang kaukulang pag-apruba mula sa NTC.

Ayon sa CIDG, patuloy ang kanilang kampanya laban sa pagbebenta ng mga produktong hindi awtorisado upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili.

Hinimok din ng mga awtoridad ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga electronic gadgets at agad iulat ang anumang kahina-hinalang transaksyon sa kanilang lugar.