Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱1 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa shoreline patrol sa Sitio Damak, Barangay Bangaan, kagabi ng Enero 26, 2026, kung saan isang lalaki na kilala sa alyas na “Tenter” ang naaresto.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:30 ng gabi nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng Sultan Naga Dimaporo Municipal Police Station, 1005th Regional Mobile Force Battalion 10, at 2nd Provincial Mobile Force Company ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa pagbaba ng mga smuggled na sigarilyo mula sa maliliit na bangka. Sa lugar ng operasyon, nadiskubre ang 25 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo sa baybayin, habang ang iba pang sangkot ay nakatakas.

Ang mga nasamsam na sigarilyo ay binubuo ng 15 kahon ng red Astro, 5 kahon ng red San Diego, at 5 kahon ng green San Diego. Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sultan Naga Dimaporo MPS ang suspek at ang mga nakumpiskang sigarilyo habang inihahanda ang kaukulang kaso at nagpapatuloy ang imbestigasyon.