Arestado ang isang Malaysian passenger matapos madiskubre ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang mahigit ₱102 milyon halaga ng shabu na nakatago sa mga chopping board, sa isang operasyon sa Terminal 1 ng NAIA.
Ayon sa ulat, pinansin ng mga awtoridad ang pasahero matapos magpakita ng kahina-hinalang resulta sa x-ray screening ng kanyang bagahe. Agad isinagawa ang 100% physical examination na nagresulta sa pagtuklas ng tinatayang 15,024 grams ng methamphetamine hydrochloride sa dalawang kahong nakadeclare bilang chopping boards.

Agad na inaresto ang suspek at isinailalim sa PDEA para sa kaukulang inquest proceedings. Inihahanda na rin laban sa kanya ang kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Inihayag ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang patuloy na paghihigpit ng BOC sa mga hangganan ng bansa bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at binigyang-diin ang kahalagahan ng intelligence-driven operations at kooperasyon sa ibang ahensya para maprotektahan ang publiko laban sa iligal na droga.
Pinuri naman ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa ang husay at pagiging alerto ng BOC-NAIA personnel at ng mga katuwang na ahensya, at binigyang-diin ang kahalagahan ng koordinadong operasyon sa pagtukoy ng mga bago at sopistikadong paraan ng pagtatago ng ilegal na droga.


















