Isang High-Value Individual (HVI) ang naaresto habang nasamsam ang iligal na droga na nagkakahalaga ng ₱176,800 at tinatayang ₱770,040 halaga ng smuggled cigarettes sa isang matagumpay na anti-illegal drugs operation sa Barangay Bula, General Santos City noong Pebrero 24, 2026, bandang 10:55 AM.
Pinangunahan ang buy-bust operation ng RPDEU 12, katuwang ang Regional Intelligence Unit 12, Philippine Drug Enforcement Group SOU 12, at Police Station 6 ng General Santos City Police Office, sa koordinasyon ng PDEA 12.
Ang naarestong suspek ay kilala sa alyas na “Roro,” 56 taong gulang, may asawa, walang trabaho, at residente ng Barangay Bula. Siya ay nakalista bilang HVI sa ilegal na droga. Sa operasyon, nasamsam ang isang sachet ng tinatayang 0.5 gramo ng shabu bilang bagay ng bentahan, limang medium-sized sachets na tig-5 gramo, at isang karagdagang sachet na 0.5 gramo bilang bagay ng possession. Ang kabuuang tinatayang timbang ng shabu ay 26 gramo, na may National Standard Drug Price (NSDP) na ₱176,800.
Kasama rin sa nasamsam ang marked buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱1,000, isang black sling bag, isang Android phone, ₱520 cash, isang black pouch, identification cards, assorted receipts, at ilang gamot. Ang mga ebidensya ay isinailalim sa inventory at marking sa presensya ng suspek, isang kinatawan ng media, at isang barangay official upang masiguro ang transparency, at kasalukuyang nasa Provincial Forensic Unit sa South Cotabato para sa laboratory examination.
Dahil sa impormasyon mula sa suspek, isinagawa ang follow-up operation sa isang apartment sa Barangay Lagao, kung saan natagpuan ang mga kahon at sako ng smuggled cigarettes na ibinababa mula sa isang nakaparadang sasakyan. Tumakas ang mga involved na indibidwal nang makita ang mga awtoridad.
Sa koordinasyon ng Bureau of Customs (BOC), nakumpiska ang labindalawang kahon ng Fort cigarettes, apat na sako ng King Perfect cigarettes, isang kahon ng Greenhills cigarettes, isang malaking transparent pack ng King Perfect cigarettes, at isang unit ng Toyota Vios. Ang kabuuang tinatayang halaga ng nasamsam na smuggled cigarettes ay ₱770,040 at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya bago i-turn over sa BOC Gensan.
Pinuri ni PBGEN Arnold P. Ardiente, Regional Director ng PRO 12, ang mga operating units sa kanilang mabilis at koordinadong aksyon. Ani Ardiente, “Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng ating pinatitibay na kampanya kontra ilegal na droga at krimen. Patuloy naming huhuliin ang mga high-value targets at ang kanilang network. Paalala sa lahat walang takas sa batas ang mga lumalabag sa seguridad at kapakanan ng ating komunidad.”

















