Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang isang barko na nagdadala ng tinatayang 3,000 master cases ng ilegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱180 milyon noong Pebrero 24, 2026.
Ayon sa BOC, nakakuha ng impormasyon tungkol sa kahina-hinalang galaw ng isang bulk carrier, kaya nakipag-coordinate ang ahensya sa Department of National Defense (DND) at Philippine Navy – Western Mindanao Naval Command, sa pamumuno ni RADM Constancio Arturo M. Reyes, upang isagawa ang joint anti-smuggling operation.
Nahuli at na-inspeksyon ang barko mga 52 nautical miles kanluran ng Kalamansig Port, Sultan Kudarat. Lumabas sa imbestigasyon na nagdadala ito ng libu-libong master cases ng sigarilyo na walang lehitimong dokumento, at hindi rin matiyak ng dayuhang crew ang legalidad ng kargamento.
Inihatid ang barko sa Naval Station Romulo Espaldon noong Pebrero 25 para sa opisyal na inventory at dokumentasyon.

















