Nasabat ng Western Mindanao Naval Command (WMNC) ang dalawang motorized vessels na nagdadala ng undocumented cigarettes sa isinagawang maritime security operation noong Marso 1, 2026.
Bandang 7:55 ng gabi, habang nagsasagawa ng Maritime Patrol (MARPAT), napansin ng naval forces ang dalawang hindi kilalang sasakyang pantubig humigit-kumulang tatlong nautical miles kanluran ng Tapian Point, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Dahil sa kawalan ng navigational lights, agad isinagawa ang interception at verification.
Nalaman na ang mga barko ay MB Makhfiyyan 5 at MB Makhfiyyan (unnamed jungkongs) na mula sa Tawi-Tawi patungong Picong, Lanao del Sur. Sa isinagawang Visit, Board, Search, and Seizure (VBSS), natuklasan ang humigit-kumulang 2,000 master cases ng Seven Kings brand na undocumented cigarettes sa dalawang sasakyan.
Batay sa imbentaryo, tinatayang market value ng nasabat na kontrabando ay ₱216,704,723.00 para sa MB Makhfiyyan 5 at ₱54,280,912.00 para sa MB Makhfiyyan, o kabuuang ₱270,985,685.00.
Binigyang-diin ng WMNC ang kanilang patuloy na pagtutok sa maritime patrol operations at pagpapalakas ng inter-agency coordination upang mapanatili ang seguridad sa katimugang dagat ng bansa laban sa smuggling at iba pang iligal na gawain, kasabay ng proteksyon sa kita ng pamahalaan.

















