Naaresto ang tatlong indibidwal habang nakumpiska ang tinatayang ₱408,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency – BARMM nitong hapon ng Lunes, Abril 21.
Isinagawa ang buy-bust operation dakong alas-4:00 ng hapon sa Sitio Kurbada, Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Albasir Ajiz, Saudi Ali, at Mohedin Silongan.
Ayon sa ulat ng PDEA-BARMM, nakumpiska mula sa tatlo ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang bigat na 60 gramo. Batay sa national drug price, umabot sa mahigit ₱400,000 ang halaga nito.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din ang ilang non-drug evidence at marked money na ginamit sa transaksyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng PDEA-BARMM ang mga suspek at inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakipagtulungan din sa operasyon ang RDEU, RMFB14A 1401st, 2nd Platoon, at ang OFC ng 1st PMFC ng Maguindanao del Norte.