Aabot sa ₱427,500 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga otoridad sa isinagawang operasyon sa Barangay Baraas, Picong, Lanao del Sur nitong Marso 3, 2026.
Sa ulat ng pulisya, nagkaroon ng matagumpay na pagkakasabat sa pamamagitan ng koordinasyon ng Picong Municipal Police Station at ng 51st Infantry Battalion “Bravo Company” ng Philippine Army.
Nagsimula ang operasyon matapos ipabatid ng 51st IB sa Picong MPS ang hinggil sa isang kahina-hinalang kulay pilak na Toyota Hi-Ace na kanilang namataan habang nagsasagawa ng checkpoint operation. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya sa nasabing lugar.
Kalaunan ay naharang ang naturang sasakyan, subalit tumakas ang hindi pa nakikilalang drayber at iniwan ang van sa pinangyarihan.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre sa loob ng sasakyan ang sampung kahon na naglalaman ng kabuuang limang daang ream ng sigarilyong may tatak na “Modern,” na nakalantad umano sa loob ng van.
Ayon sa mga awtoridad, ang pagkakasabat ay kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act, at Republic Act No. 10643 o ang Graphic Health Warnings Law.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Picong MPS ang mga nakumpiskang sigarilyo at ang naturang sasakyan, at inaasahang pormal na itong ituturn-over sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, pinuri ni Provincial Director PCOL CAEZAR P. CABUHAT ng Lanao del Sur Police Provincial Office ang matatag na koordinasyon sa pagitan ng Picong MPS at ng 51st IB. Aniya, mahalaga ang ganitong uri ng joint operations upang mapigilan ang smuggling at iba pang ilegal na aktibidad sa lalawigan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na drayber at ang posibleng may-ari ng nasabing kontrabando.

















