Kalahating milyon piso ang inilaan ng Cotabato City Government para sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin sa nakalulungkot na pamamaril sa magkapatid na sina Prince Mohaz Salvador Matanog at Muamar Salvador Matanog noong Sabado, October 4, 2025 sa Barangay Poblacion 5.

Ayon kay PLt. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng Cotabato City Police Office sa naging eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, malaking tulong ang reward money upang mas mapabilis ang imbestigasyon at makahanap ng mga testigo.

Sa insidente, unang nasawi si Prince Mohaz, na kilala bilang SK Chairperson, habang ang kanyang kapatid na si Muamar ay idineklarang Dead on Arrival sa ospital matapos tamaan ng mga bala. Sakay sila ng pulang Toyota Raize nang pagbabarilin ng mga riding-in-tandem suspects.

Nagsagawa agad ang Police Station 1 ng hot pursuit operation na nauwi sa palitan ng putok, kung saan isang pulis at isang suspek ang nasugatan. Nakarekober ng SOCO team ang 89 na basyo ng bala, patunay sa matinding pagpapaputok ng mga salarin.

Dagdag pa ni Evangelista sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, nakakuha na sila ng CCTV footage na nakatulong sa pagtukoy sa person of interest, habang patuloy ang masusing imbestigasyon ng intelligence unit.

Nagpasalamat din si Evangelista sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ni Mayor Bruce Matabalao sa walang sawang suporta sa kapulisan. Pinayuhan ng CCPO ang publiko na manatiling kalmado, magtiwala sa imbestigasyon, at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.