Nasamsam ng mga pulis ang tinatayang ₱764,977.92 halaga ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo at naaresto ang dalawang indibidwal sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Central Panatan, Pigcawayan noong Marso 14, 2026.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police Regional Office 12, bahagi ito ng routine checkpoint ng 1203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12, katuwang ang Pigcawayan Municipal Police Station. Pina-standby ang isang puting Toyota Fortuner bandang alas-12:00 ng tanghali at napansin ang ilang kahon ng sigarilyo sa loob nito.

Hiniling ng mga awtoridad ang mga kaukulang dokumento ng sasakyan at permit para sa transportasyon ng sigarilyo, ngunit walang naipakitang papeles ang driver at pasahero. Dahil dito, inaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Mohamad” at “Sheryl” dahil sa ilegal na transportasyon, pagmamay-ari, at pamamahagi ng smuggled na sigarilyo, paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Graphic Health Warnings Law.

Sa isinagawang on-site inventory sa presensya ng isang opisyal ng barangay, nakumpiska ang labingpitong (17) kahon at apatnapu’t apat (44) na ream ng “Fort” brand na sigarilyo. Nakatalaga na rin ang mga nakumpiskang produkto sa Bureau of Customs habang inihahanda ang kaso para sa inquest proceedings.

Pinuri ni Arnold P. Ardiente, Regional Director ng PRO 12, ang mga operatiba sa matagumpay na checkpoint at iginiit na patuloy na paiigtingin ang ganitong operasyon upang mapigilan ang pagpasok at pamamahagi ng smuggled na produkto sa rehiyon.