Arestado ang dalawang lalaki sa isinagawang anti-cigarette smuggling operation ng mga awtoridad sa Barangay Tandu Bagua, Patikul, Sulu nitong Martes ng hapon, matapos masabat ang ₱8.75 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo.

Batay sa ulat ng Sulu Maritime Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga concerned citizens ukol sa tangkang pagpupuslit ng mga kahon-kahong iligal na sigarilyo sa lugar. Agad itong tinugunan ng mga operatiba, na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek nang mabigong makapagpakita ang mga ito ng kaukulang legal na dokumento para sa pagdadala at pagbiyahe ng mga kargamento.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na Dendasil at Alpajal, kapwa nasa hustong gulang at residente ng nasabing bayan. Nasamsam mula sa kanila ang tinatayang 100 master cases ng smuggled na sigarilyo na katumbas ng 50,000 packs, na may kabuuang halaga na umaabot sa ₱8.75 milyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sulu Maritime Police ang dalawang suspek at ang mga kontrabando para sa kaukulang disposisyon. Nakatakda rin silang sampahan ng mga kasong paglabag sa anti-smuggling laws ng bansa.