Naaresto ng PRO BAR ang isang suspek at nasamsam ang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng ₱865,070 sa isang joint checkpoint operation ngayong Enero 5, 2026 sa Barangay Poblacion, Barira, Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng 1st Provincial Mobile Force Company, 3rd Maneuver Platoon kasabay ng Barira Municipal Police Station. Ang drayber ng sasakyan ay nabigong magpakita ng valid documents para sa dinadala nitong sigarilyo, kaya siya ay inaresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Nasamsam mula sa operasyon ang isang sasakyan at 1,102 reams ng smuggled cigarettes, na tinatayang may kabuuang halaga sa merkado na ₱865,070. Dinala ang naarestong suspek sa Barira Municipal Police Station kasama ang mga nakumpiskang items para sa documentation.
Ani PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, patuloy ang kanilang laban sa smuggling:
“Nanatiling committed ang PRO BAR sa mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain. Patuloy nating paiigtingin ang checkpoint operations at pakikipagkoordina sa iba pang ahensya upang maprotektahan ang interes ng publiko at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro region,” ayon sa kanya.

















