Matagumpay na nabawi ng tropa ng 39th Infantry (Smash’em) Battalion sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Hector A. Estolas ang dalawang (2) M16 rifles sa isinagawang focused military operation noong Setyembre 27, 2025 sa Sitio Lacobe, Barangay Malabuan, Makilala, North Cotabato.

Ang mga nasabing baril ay pinaniniwalaang pag-aari ng Dismantled Guerilla Front (DGF) “ALIP” ng Far South Mindanao Region (FSMR) na naiwan umano noong ikaapat na kwarter ng taong 2020.

Ayon sa ulat, ang matagumpay na operasyon ay bunga ng impormasyong ibinahagi ng mga residente, bilang bahagi ng nagpapatuloy na operasyon ng militar laban sa mga natitirang elemento ng mga armadong grupo na nagdudulot ng banta sa katahimikan at seguridad ng rehiyon.

Binigyang-diin ni LTC Estolas na ang tagumpay na ito ay patunay ng matatag na kooperasyon at tiwala sa pagitan ng militar, dating rebelde, at mga peace partners.

Aniya, “Nagpapasalamat kami sa ating mga kababayan na naging susi upang matagpuan ang mga armas na ito. Napigilan natin ang mga ito na magamit sa paggawa ng karahasan sa ating mga komunidad. Inaanyayahan namin ang mga natitira pang rebelde na magbalik-loob na para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya at sa panibagong simula ng mapayapang pamumuhay.”

Dinala na ang mga narekober na baril sa Battalion Headquarters sa Barangay Poblacion, Makilala para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.

Patuloy namang nananawagan ang 39th Infantry Battalion sa mga natitirang miyembro ng armadong grupo na samantalahin ang mga programa ng pamahalaan tulad ng E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) upang makabalik sa normal na pamumuhay at magkaroon ng mas maayos na kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.