Isinusulong ngayon sa plenaryo ng 18th Sangguniang Panglungsod ng Cotabato City ang panukalang 2025 Smoke and Vape-Free Ordinance na layong ipagbawal ang paninigarilyo at paggamit ng vape sa lungsod.
Ayon kay City Councilor Mohammad Ali Mangelen, bagama’t mayroon nang umiiral na kaparehong ordinansa sa lungsod, kinakailangan na umano itong palakasin. Aniya, ang bagong panukala ay maglalaman ng mas malinaw at matitibay na regulasyon upang higit na maprotektahan ang kalusugan ng publiko—lalo na ng mga kabataan.
“Kapansin-pansin na dumarami na ang mga kabataang nahuhumaling sa sigarilyo at lalo na sa mga flavored vapes,” pahayag ni Mangelen. Dagdag pa niya, marami na ang tila nalululong sa paggamit ng mga ito, kahit pa walang sapat na pag-aaral ukol sa epekto nito sa katawan.
Binanggit rin ng konsehal na layunin ng ordinansa na mapangalagaan ang kalusugan hindi lamang ng mismong gumagamit, kundi pati na rin ng mga nakakalanghap ng usok mula sa sigarilyo at vape.