Isang lalaki ang nasawi habang isa pa ang patuloy na ginagamot matapos tamaan ng kidlat sa kasagsagan ng malakas na ulan bandang alas-2 ng hapon noong Martes, Oktubre 14, 2025, sa Purok Kalyong, Barangay Landan, Polomolok, South Cotabato.

Batay sa ulat ng Polomolok Municipal Police Station at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), abala umano ang dalawang lalaki sa kanilang gawain sa bukirin nang biglang kumulog at kumidlat. Ilang sandali lang, tinamaan ng kidlat ang bahagi ng lugar na kanilang kinaroroonan.

Mabilis na rumesponde ang mga residente at dinala ang mga biktima sa Polomolok Municipal Hospital. Isa sa kanila ang binawian ng buhay habang ginagamot, habang ang isa naman ay patuloy na nagpapagaling at nasa ligtas na kalagayan ayon sa mga doktor.

Nagpaalala naman ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa publiko na umiwas sa mga bukas na lugar tuwing may malakas na ulan at pagkulog, at agad humanap ng masisilungan upang makaiwas sa ganitong insidente.