Nasawi ang isang suspek at isa pa ang naaresto matapos mauwi sa madugong engkwentro ang ikinasang anti-illegal drug operation ng pinagsanib na elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) sa Brgy. Seronggon, Hadji Mohammad Ajul, Basilan nitong Nobyembre 25, 2025.
Ayon sa ulat, nang papalapit na ang operating team, bigla umanong nagpaputok ang pangunahing target na si alias “Mids” kasama ang kanyang mga kasamahan, dahilan upang gumanti ng putok ang mga operatiba. Sa gitna ng palitan ng bala, nakatakas si Mids, ngunit naaresto naman ang isa niyang kasamahan na si alias “Ridzmar.” Samantala, nasawi sa operasyon ang isa pang suspek na nakilalang si alias “Imman.”
Sa kasamaang-palad, tinamaan din ng bala ang isang miyembro ng PNP operating team. Agad itong dinala sa pagamutan, ngunit idinakdang dead on arrival ng attending physician.
Ang naarestong suspek at lahat ng nakumpiskang iligal na droga ay nasa kustodiya ngayon ng Hadji Muhammad Ajul Municipal Police Station para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Sa isang pahayag, pinuri ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis at maagap na aksyon ng mga operatiba. Nagpaabot rin siya ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya, mahal sa buhay, at mga kasamahan ng nasawing pulis.
Binigyang-diin ng opisyal na ang katapangan at sakripisyo ng nasawing alagad ng batas ay patunay ng matatag at tuluy-tuloy na pangako ng PNP na protektahan ang komunidad laban sa banta ng iligal na droga.

















