Kinumpirma ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang pagkamatay ng isang inhinyero at pagkakasugat ng isang laborer matapos ang naganap na pamamaril sa ginagawang KCC Mall of Cotabato bandang 1:46 ng hapon ngayong araw.

Ayon kay PLT. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO, nasawi ang biktimang si Engr. Ronald Dagu-an, 28, isang project engineer na residente ng Pagadian City. Samantala, kasalukuyang ginagamot sa pagamutan ang sugatang biktima na si Reno delos Santos, isang laborer mula sa General Santos City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-uusap lamang ang mga biktima at kanilang mga tauhan nang biglang umalingawngaw ang mga putok ng baril sa second floor ng ginagawang mall. Dito na tumambad ang dalawang biktimang duguan matapos pagbabarilin ng hindi pa matukoy na suspek.

Ayon sa mga awtoridad, nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Engr. Dagu-an na agad na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga tauhan ng Presinto Uno ang insidente. Kasalukuyan nilang sinusuri ang mga CCTV footage at kumakalap ng mga testigo upang makatulong sa kaso. Hawak na rin ng pulisya ang isang person of interest na nahuli sa lugar ng insidente.

Isinagawa na rin ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang crime scene processing at nakakalap ng karagdagang ebidensya upang makatulong sa imbestigasyon.

Samantala, tiniyak ni PLT. Evangelista sa publiko na kontrolado ng mga awtoridad ang sitwasyon sa lungsod at walang dapat ikabahala ang mga residente. Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lugar.