Binawian ng hiram na buhay ang isang miyembro ng armed group matapos na makipagbarilan ito sa tropa ng 34th Infantry Batallion sa Barangay Mudseng, Kadayangan sa SGA-BARMM kahapon ng madaling araw.
Sa impormasyong nakalap kay Lt. Col. Edgardo Batinay na siyang commanding officer ng 34IB, planong maghasik ng gulo ang mga ito sa Barangay Mudseng ng namataan ito ng mga nagpapatrolyang kasundaluhan.
Tumagal ng halos 20 minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkakasawi ng isang armadong indibidual. Nabawi naman sa kamay ng napatay ang isang Calibre 50 na sniper, isang M14 rifle, tatlong rifle grenade, mga bala at magasin na ngayon ay itinurnover na sa pulisya.
Iniimbestigahan naman ngayon ng pulisya ang naganap na insidente habang nagsasagawa naman ng pakikipag-ugnayan ang mga autoridad sa mga opisyales ng barangay upang mabigyan ng kaukulan at disenteng libing ang nasawing armadong indibidual.
Samantala, inulan ng papuri kay BGen. Donald Gumiran na siyang commander ng 602nd Brigade ang kasundaluhan ng 34IB sa agarang pagtugon nito at paghadlang sa masamang balakin ng mga grupo habang nanawagan naman si Maj. Gen. Antonio Nafarette na kumander ng 6ID at JTF Central sa mga armadong grupo na itigil na ang paghahasik ng kasamaan at bukas ang kanilang pintuan upang tanggapin sila at ang kanilang armas sa oras na mapusuan nila ang pagsuko.