Nasawi ang isang batang babae, isang taong gulang, matapos masunog ang kanilang tahanan sa Pacoma, Poblacion 2, Parang, Maguindanao, nitong Pebrero 11, 2026, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa naging eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato, sinabi ni SFO3 Annie B. Salcedo, Chief Investigator ng Parang Central Fire Station, na ang isang taong gulang na sanggol ay naiwan sa loob ng bahay kasama ang kanyang apat na taong gulang na kapatid.

Kasama nila noon ang kanilang lola, na pansamantalang umalis upang bumili ng gatas, kaya’t walang nakabantay sa mga bata nang sumiklab ang sunog.

Sinubukan ng nakatatandang kapatid na iligtas ang sanggol, ngunit hindi niya nagawa dahil may nakaharang sa pintuan ng bahay.

Iniulat ni Salcedo na ang nasabing bahay ay yari sa light materials at may sukat lamang na humigit-kumulang 24 metro.

Tinaya ng BFP na nasa ₱7,000 ang pinsalang dulot ng sunog at walang iba pang bahay o tao ang nadamay sa insidente.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang sanhi ng sunog.

Bilang paalala sa publiko, binigyang-diin ng BFP ang kahalagahan ng pagiging maingat sa bahay, lalo na sa mga bata.

Pinapayuhan ang mga magulang o tagapag-alaga na huwag iwan ang mga bata nang mag-isa at tiyaking walang bukas na apoy o de-kuryenteng kagamitan na maaaring magdulot ng sunog.