Arestado ang isang lalaki matapos mahuling pumasok sa isang compound at makuhanan ng hinihinalang droga, alas-6 ng umaga kahapon, Hunyo 3, sa bahagi ng Bai Laga, Kakar, Barangay Poblacion 8, Cotabato City.
Kinilala ng Cotabato City Police Station 2 ang suspek na si Samrodin Odin Gallani, isang construction worker at residente ng MB Bagua sa lungsod.
Ayon sa ulat, namataan si Gallani ng mga miyembro ng Barangay Public Safety Officers (BPSO) habang palihim na pumapasok sa compound at nagpapakita ng kahina-hinalang kilos.
Nang mapansin ang presensya ng mga BPSO, agad itong tumakas sakay ng kanyang motorsiklo na nakaparada sa labas ng compound. Ngunit hindi ito nakalayo at agad na naharang ng mga opisyal ng barangay.
Sa isinagawang pagkapkap, narekober mula sa suspek ang isang vape box na naglalaman ng isang plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu at isang improbisadong glass tube o “toother.”
Kasalukuyang nakakulong si Gallani sa Police Station 2 at nahaharap sa kasong trespassing at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.