Patay habang nasa loob ng sarili nitong tahanan ang isang ustaz matapos na mabagsakan ito ng nabuwal na punong kahoy sa Barangay Buayan, Datu Piang Maguindanao del Sur kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Ustaz Abdulbayan Banto na nasa hustong gulang. Kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan ng mabuwal ang malaking puno na nasa gilid ng kanilang bahay at nagkataong nasa loob ito ng kanilang pamamahay ng mabuwal ang puno na sanhi upang agad na pumanaw ang biktima.

Dahil sa gahiganteng laki ng punong kahoy, halos isang oras bago mahugot ang bangkay ng biktima ng mga rescuers.

Labis na nagluluksa ang kamaganak at kaibigan ng biktima dahil sa napakaaga nitong kamatayan dahil kilala ito sa kanilang lugar na bihasa sa pagtuturo at pagbabasa ng Quran.