Umabot na sa sampung (10) kumpirmadong kaso ng Mpox o monkeypox ang naitala sa lalawigan ng South Cotabato batay sa pinakahuling datos mula sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) hanggang Mayo 22, 2025.
Narito ang mga bayan na may naitalang kaso ng Mpox:
Banga – 1
Koronadal – 1
Tantangan – 1
T’boli – 4
Surallah – 2
Lake Sebu – 1
Ayon sa IPHO, ang mga kumpirmadong kaso ay kabilang sa age group na mula 0 hanggang 49 taong gulang.
Ang Mpox ay isang viral infection na kahalintulad ng smallpox ngunit may mas mababang fatality rate. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng katawan, at pagkakaroon ng mga pantal o butlig sa balat.
Nanawagan ang mga health official sa publiko na manatiling disiplinado sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask, pag-iwas sa pisikal na kontak lalo na sa mga may sintomas, at agarang pagpapatingin sa doktor kung may nararamdamang kakaiba sa katawan.
Patuloy din ang kampanya ng pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay-impormasyon at edukasyon tungkol sa Mpox, pati na rin sa mga hakbang upang mapigilan ang lalo pang pagtaas ng mga kaso.