Matapos ang mahigit isang dekadang hidwaan, pormal nang nagkasundo ang tatlong pamilya mula sa hanay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa isang reconciliation sa Lamitan ngayong araw, Enero 19, 2026. Ang kasunduan ay bahagi ng mga hakbang ng pamahalaang panlalawigan upang resolbahin ang matagal nang alitan sa komunidad.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan sa ilalim ni Gov. Mujiv Hataman ang pag-aayos sa pagitan ng pamilya nina Kumander Tanad Yunus, Kumander Arasad Addala, at Gani Tiblani, katuwang ang 1101st Infantry Battalion, Basilan Provincial Police Office, at Council of Elders bilang bahagi ng peacebuilding efforts ng lalawigan.
Ang reconciliation ay isinagawa sa “Pägsulut Duk Pägduwä’ä PAGBANTA” na ginanap sa Raayat Hall, Kapitolyo ng Basilan. Ayon sa mga opisyal, ito ang pinakamalaking pag-aayos ng alitang pamilya sa kasalukuyang administrasyon, at nagdagdag sa kabuuang bilang ng naresolbang hidwaan sa lalawigan sa walo.
Batay sa tala, nagsimula ang hidwaan noong 2009 at nakaapekto sa 26 pamilya. Mahigit 20 ang naiulat na nasawi sa mga munisipalidad ng Al-Barka, Mohammad Ajul, at Tuburan, matapos mauwi sa serye ng mararahas na pagtatalo ang mga hindi pagkakaunawaan, personal na sama ng loob, at insidente na lumalim sa paglipas ng panahon.
Ayon kay Police Colonel Cerazid A. Umabong, provincial police director ng Basilan, ang reconciliation ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan at mga pwersang panseguridad na tapusin ang mga alitang matagal nang umiiral sa lalawigan.
Nasaksihan ang pagpirma ng kasunduan nina BGen. Frederick M. Sales, commander ng 1101st Brigade, 1ID, PA, Dr. Aboulkhair Tarason, Mufti ng Darul Ifta’ Basilan, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, Council of Elders ng Basilan, Basilan Ulama Supreme Council, at mga abogado mula sa Prosecutors Office, bilang pagtiyak na ang reconciliation ay may pormal na dokumentasyon at pananagutan sa komunidad.

















