Isang bagong proyekto ang sisimulan ng Bangsamoro Government sa Camp Omar, Barangay Limpongo, kung saan 100 housing units ang itatayo para sa mga dating mandirigma ng MILF.
Pinangunahan ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) at Special Development Fund–Project Management Office ng Bangsamoro Planning and Development Authority ang groundbreaking ceremony nitong Huwebes, Disyembre 4.
Ayon sa MHSD Deputy Minister Aldin Asiri, ang pagtatayo ng housing units ay bahagi ng pagpapatupad ng normalization process sa rehiyon. Ito na rin umano ang huling groundbreaking sa anim na kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang mga benepisyaryo ay mula sa 105th Base Command ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).
Kinatawan ni Joint Task Forces on Camps Transformation Camp Coordinator at 105th Base Command Commander Sheikh Muhiddin Usman, iginiit ni Taib Amil na nananatiling nakatuon sa kapayapaan ang pamunuan sa loob at labas ng kampo.
Ang proyekto ay pondong mula sa Bangsamoro Government’s Special Development Fund at itatayo sa 3.5-ektaryang lupang ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Datu Hoffer. Bawat unit ay may sukat na 48 square meters na may tatlong kwarto, sala, kainan, kusina, banyo at maliit na porch.
Kasama rin sa site development ang pitong community support facilities kabilang ang covered court, access road, drainage, solar streetlights, Level II water system, concrete fence, health station, at multipurpose building.
Ayon kay Datu Hoffer Municipal Mayor Prince Sufri Norabbie Ampatuan, ang proyekto ay nakikitang hakbang tungo sa mas maayos at mas ligtas na pamumuhay ng mga residente sa kampo.
Dumalo sa aktibidad ang ilang opisyal ng BARMM, kinatawan ng security forces, lokal na pamahalaan at private construction partner.

















