Isang makabagong pag-asa ang hatid ng Bangsamoro Government sa pamamagitan ng programang Kapayapaan sa Pamayanan o KAPYANAN, matapos nitong ipamahagi ang 100 yunit ng core shelters na may solar-powered lights at water system components sa Barangay Tamontaka Mother, Cotabato City, nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025.

Ang proyektong ito ay resulta ng pagtutulungan ng KAPYANAN at ng Lokal na Pamahalaan ng Cotabato City, na layuning matulungan ang mga mahihirap na pamilyang Bangsamoro na magkaroon ng maayos, ligtas, at matatag na tahanan.

Bukod sa pabahay, ang KAPYANAN isang espesyal na programa ng Office of the Chief Minister (OCM) ay nagbibigay din ng mga pangkabuhayang proyekto upang maisulong ang tunay na kapayapaan at pangmatagalang pag-unlad sa rehiyon ng Bangsamoro.