Patuloy na pinalalakas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang imahe nito bilang lumalaking investment hub matapos aprobahan ang dalawang bagong pamumuhunan na nagkakahalaga ng P64 milyon, na inaasahang lilikha ng 106 trabaho bago sumapit ang katapusan ng taon. Inanunsyo ito sa isinagawang 5th Board Meeting ng Bangsamoro Board of Investments (BBOI) noong Martes, Nobyembre 25, 2025.

Kabilang sa inaprubahang proyekto ang P50-milyong logistics investment sa Tawi-Tawi, na inaasahang magbibigay ng 44 trabaho. Layunin nitong palakasin ang inter-island water passenger transport, mahalagang bahagi sa pagpapabilis ng mobilidad, koneksyon, at aktibidad pang-ekonomiya sa lalawigan.

Samantala, aprubado rin ang P14-milyong Shariah-compliant arrangements project sa Cotabato City, na lilikha naman ng 62 trabaho. Nakabatay ito sa pagpapalawak ng micro Takaful products upang mas mapalakas ang access ng publiko sa Islamic-compliant financial services at suportahan ang lumalawak na Islamic finance ecosystem ng rehiyon.

Ang mga bagong pamumuhunang ito ay dagdag sa naunang P5 bilyong total investments na nakumpleto noong Oktubre 20, 2025 — isa pang mahalagang tagumpay para sa patuloy na pag-angat ng ekonomiya ng BARMM. Ayon sa mga opisyal, nananatiling matatag ang tiwala ng mga mamumuhunan dahil sa pamamahala ng rehiyon na nakabatay sa transparency, stability, at accountability.

Dumalo sa pagpupulong sina BBOI Chairperson Mohamad Omar Pasigan, Board of Governors Datu Habib Ambolodto at Manan Baraguir, at Atty. Salem Barrat ng Ministry of Finance, Budget, and Management (MFBM) bilang kinatawan ni Minister Ubaida Pacasem, kasama ang mga kinatawan ng dalawang inaprubahang proyekto.

Ipinahayag ng BBOI na ang pagpasok ng mga bagong pamumuhunan ay patunay ng nagpapatuloy na economic momentum ng rehiyon at ng tumitibay na kumpiyansa ng pribadong sektor. Nakaugnay rin ang mga tagumpay na ito sa adhikain ni Chief Minister Abdulraof Macacua para sa Moral Governance at Mas Matatag na Bangsamoro, na nagsisilbing haligi ng Economic Jihad tungo sa mas matatag at self-reliant na ekonomiya.

Tiniyak ng BBOI na patuloy nitong isusulong ang mga pamumuhunang nakatuon sa sustainable development, makabuluhang oportunidad sa kabuhayan, at alinsunod sa Strategic Investment Priority Plan (SIPP) ng rehiyon. Target ng ahensya na makahatak pa ng mga responsible at high-impact investments para sa mas inklusibo at mas malakas na ekonomiya ng Bangsamoro.