Labing-isa (11) na aktibong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) – Bungos Faction ang pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan sa isinagawang “Presentation of Balik-Loob” ng 90th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division ng Philippine Army katuwang ang 1CMO Company.
Ginanap ang seremonya sa kampo ng 90IB sa Brgy. Kabengi, Datu Saudi Ampatuan noong Hulyo 9, 2025. Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad ang 601st Infantry Brigade, mga kinatawan mula sa mga bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Shariff Aguak, Datu Hoffer, Ampatuan, at Datu Abdullah Sangki; gayundin ang Ministry of Public Order and Safety (MPOS), Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR), Non-Violent Peaceforce, at lokal na kapulisan.
Ayon sa militar, ang kahirapan, takot sa kaligtasan, at ang nakitang pag-unlad sa pamahalaan ang nagtulak sa mga dating rebelde upang talikuran ang armadong pakikibaka. Bitbit nila ang matataas na kalibre ng armas bilang simbolo ng kanilang sinseridad, kabilang ang M653 Rifle, M203 Grenade Launcher, M16 Rifle, Cal. 50 Barret Sniper Rifle, M1 Carbine, Garand Rifles, M79 Grenade Launcher, at Uzi 9mm.
Ipinresenta ni LTC Loqui Marco, Commanding Officer ng 90IB, ang mga sumukong miyembro at kanilang mga armas kay BGEN Edgar Catu ng 601st Brigade. Kabilang sa mga opisyal na dumalo ay mga kinatawan mula sa iba’t ibang LGU at BARMM ministries.
Bilang suporta, tumanggap ang mga sumuko ng ayuda gaya ng bigas, non-perishable goods, binhi ng mais, at cash assistance mula sa mga lokal na pamahalaan, MPOS, MAFAR, at Office of the Governor.
Ayon kay LTC Marco, ang matagumpay na pagbabalik-loob ng mga rebelde ay patunay ng epektibong pagtutulungan ng militar, pulisya, at pamahalaan sa pagbibigay ng panibagong pagkakataon sa mga dating miyembro ng armadong grupo. Muli rin siyang nanawagan sa mga natitira pang kasapi ng BIFF na magbalik-loob at makiisa sa adhikain ng kapayapaan.