Matagumpay na nagbalik-loob sa pamahalaan ang labintatlong (13) lokal na terorista mula sa South Cotabato sa tulong ng mga sundalo at ng lokal na pamahalaan ng Barangay Miasong, Tupi, South Cotabato, nitong ika-13 ng Agosto, 2024.
Ayon kay Lt. Col. Danny Magaso, pinuno ng 5th Special Forces Battalion na ang mga sumuko ay kinabibilangan ng dalawang dating miyembro ng komunistang terorista at sampung mass base supporters ng kilusan sa ilalim ng Far South Mindanao Region (FSMR), gayundin ang isang tagasuporta ng Ansar Khilafa Philippines (AKP).
“Ang kanilang pagsuko ay naisakatuparan sa tulong din ni Hon. Pablito Escobillo, Brgy Chairman ng Brgy. Miasong sa nasabing bayan,” wika pa ni Lt. Col. Magaso.
Bitbit din nila sa kanilang pagsuko ang walong mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng tatlong M14 7.62mm Rifle, isang Single Shot 7.62mm Rifle, isang Browning Cal. 30mm Automatic Rifle, dalawang Carbine M1 Cal. 30mm Rifle at isang Garand Cal. 30mm Rifle.
Agad namang iprenisinta ni Brigadier General Andre Santos, ang Commander ng 1st Mechanized Brigade kasama si Ms. Sonia L. Bautista ng Provincial Social Welfare and Development Office at barangay opisyal sa nasabing barangay ang mga nagbalik-loob kay South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo
Pinuri naman ni Major General Antonio Nafarrete, pinuno ng 6ID at Joint Task Force Central hinggil sa pagsisikap ng mga sundalo upang matulungan ang mga ito na maisakatuparan ang hangarin nilang magbagong buhay.
“Ikinagagalak ko ang hakbang na ito ng labintatlong mga personalidad sa kanilang hangarin na magbagong buhay. Gayundin ang ating kasundaluhan at lokal na pamahalaan sa kanilang pagsisikap na mahanap at bigyan ng maliwanag na kaisipan ang mga naging biktimang ito ng sirkumstansya at maling paniniwala at mahikayat silang yakapin ang kapayapaan at matiwasay na buhay sa piling ng kanilang mga minamahal na pamilya”, pahayag ni Maj. Gen. Nafarrete.