Pasado sa surprise mandatory drug testing ang lahat ng 131 public transport drivers na bibiyahe ngayong Undas, sa isinagawang inspeksyon ng PDEA-BARMM at iba pang ahensya kaninang umaga.

Ang operasyon na tinawag na Oplan Undaspot ay sabayang ikinasa sa mga pampublikong terminal sa lungsod upang tiyakin na walang gumagamit ng ipinagbabawal na droga sa mga tsuper na magsisilbing pangunahing katuwang ng publiko sa pag-uwi sa kani-kanilang lalawigan ngayong Undas.

Kabilang sa mga sinuri ang mga driver ng Mindanao Star, Husky, Kutoco at Bangsamoro Van Terminals. Lahat ay nag-negatibo sa drug test.

Pinangunahan ang operasyon ng PDEA BARMM kasama ang BLTO, BLTFRB, Cotabato City Police Office, Regional Highway Patrol Unit–BAR, Marine Battalion Landing Team-6, City Public Order and Safety Office, Ministry of Public Order and Safety, at City Health Office.

Ayon kay PDEA BARMM Regional Director Benjamin C. Recites III, mahalaga ang hakbang na ito upang matiyak ang drug-free public transportation system sa buong rehiyon at mapanatili ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong Undas. Nakabatay ang operasyon sa Republic Act No. 9165, RA 10586 at DDB Regulation No. 2, Series of 2004.

Layunin ng Oplan Undaspot na masiguro na ang mga mananakay ay nasa ligtas na kamay ng mga tsuper na walang impluwensya ng iligal na droga, lalo’t inaasahang dadagsa ang mga uuwi patungong probinsya.