Mas pinaigting ng Bangsamoro Government ang relief at rescue operations matapos ang malawakang pagbaha sa Maguindanao del Norte at del Sur, na nakaapekto sa 138 barangay sa 14 na bayan.

Ayon sa Bangsamoro READi at Ministry of Social Services and Development, daan-daang pamilya ang inilikas, habang mahigit 2,000 ektarya ng pananim at alagang hayop ang nasira dulot ng tuloy-tuloy na ulan mula sa ITCZ.

Ipinag-utos ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang agarang paghatid ng tulong sa mga nasalanta.

Sa Datu Piang, idineklara ang State of Calamity. Nasira rin ang ilang tulay at eskwelahan sa Mamasapano at Datu Piang.

Libu-libong food packs, hygiene kits, at hot meals ang naipamahagi sa mga apektadong lugar gaya ng Ampatuan, Datu Anggal Midtimbang, at Guindulungan.

Patuloy ang pagbabantay at pagbibigay ng ayuda ng mga ahensya habang hindi pa humuhupa ang baha.