Bawian ng buhay ang isang 14-anyos na si Chester “Botoy” Castillo dahil sa aksidenteng pagkatusok ng kabilya sa kanal sa Panabo Davao del Norte.
Ayon sa ulat, pasado alas-6 ng gabi nitong Setyembre 27, nagbibisikleta si Chester kasama ang isang kaibigan nang mawalan ng balanse at masemplang.
Sa lakas ng pagkakahulog, napadpad siya sa kanal na nasa tapat lamang ng kanilang tahanan, kung saan natusok siya ng kabilya sa tagiliran.
Agad siyang isinugod sa Davao Regional Medical Center at sumailalim sa gamutan, subalit makalipas ang ilang oras ay idineklara siyang patay.
Nilinaw ng pamilya na isa itong aksidente at wala silang sinisisi sa nangyari, dahil walang sino man ang nagnanais ng ganitong trahedya.