Sa isang 24-oras na operasyon mula 8:00 ng umaga ng Pebrero 11 hanggang 8:00 ng umaga ng Pebrero 12, 2026, matagumpay na naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang 14 na wanted persons, kabilang ang isang dayuhan, sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasama sa mga naaresto ang mga high-profile fugitives at top regional wanted persons, pati na rin ang mga lokal na suspek sa mabibigat na krimen tulad ng murder, rape, statutory rape, at drug-related offenses; kabilang dito ang 22 anyos na lalaki sa Lambunao, Iloilo, na wanted sa destructive arson, at mga suspek sa Sto. Tomas City, Batangas at Lipa City na inakusahan sa rape at statutory rape.
Sa Makati City, naaresto ang isang 40 anyos na Amerikanong lalaki dahil sa paglabag sa RA 9262, na may recommended bail na PhP144,000.
Ipinunto ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na walang sinuman ang nakatataas sa batas at ang bawat pag-aresto sa wanted persons ay hakbang patungo sa katarungan para sa mga biktima, habang nagpapatuloy ang operasyon para masiguro ang kaligtasan ng komunidad, lokal man o internasyonal.
Sa larangan naman ng anti-illegal drugs, nasamsam ng PNP ang droga na nagkakahalaga ng PhP46.78 milyon sa pamamagitan ng eradication, buy-bust, at interdiction operations, kabilang ang marijuana eradication sa Benguet at Kalinga na umabot sa 43,930 piraso na nagkakahalaga ng halos PhP7.6 milyon.
Nasabat din ang high-value shabu shipment na may timbang na 5,424 gramo sa NAIA cargo hub, na tinatayang nagkakahalaga ng PhP36.88 milyon, at sa Antique, isang buy-bust operation ang nagresulta sa pagkakaaresto ng 38 anyos na high-value individual at pagkakumpiska ng 340 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng higit PhP2.3 milyon.
Ani PGEN Nartatez, “Drugs destroy lives, kaya hindi tayo titigil sa ating buy-bust at eradication operations para mailayo sa kabataan at ordinaryong mamamayan ang masamang bisyo.”
Ayon sa PNP, ipinapakita ng mga operasyong ito ang patuloy na commitment ng ahensya sa kanilang Focused Agenda para masiguro ang kaligtasan, katarungan, at pananagutan sa publiko, na tunay na sumasalamin sa serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas.

















