Umabot sa 15 ang kabuuang bilang ng insidente ng pamamaril na naitala sa lungsod mula Enero 1 hanggang Abril 22, 2025, ayon sa ulat na inilabas ng Cotabato City Police Office (CCPO).

Batay sa datos, pinakamaraming kaso ang naitala noong Pebrero na may anim (6) na insidente, sinundan ng Abril na may anim (6) din, habang dalawang (2) kaso ang naitala noong Enero at isa (1) lamang nitong Marso.

Sa kabuuang 15 kaso, anim (6) ang itinuturing na “cleared” habang walo ( 8 ) naman ang nalutas. Isa (1) lamang ang kasalukuyang nasa ilalim ng imbestigasyon.

Ayon sa kapulisan, tuloy-tuloy ang kanilang imbestigasyon sa mga kaso ng pamamaril at hinihimok ang publiko na makipagtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

Naglabas rin ang CCPO ng ilang mga paalala upang maiwasan ang karahasan:

Manatiling alerto sa paligid,

Iulat agad ang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad,

Iwasan ang mataong lugar lalo na sa panahon ng tensyon,

Makipagtulungan sa kapulisan sa mga checkpoint at patrol,

Magkaroon ng community mediation upang hindi na lumala ang mga alitang personal.

Nagpaalala rin ang pulisya na mahalagang agapan ang mga alitang maaaring humantong sa karahasan sa pamamagitan ng tulong ng barangay.

Para sa anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency, maaring kontakin ang mga numero ng pulisya na nakasaad sa kanilang opisyal na pabatid.