Patuloy ang imbestigasyon ng Polomolok Municipal Police Station (MPS) kaugnay sa pagkakatagpo ng patay na katawan ng isang 15-taong-gulang na babae sa Barangay Maligo, Polomolok, South Cotabato ngayong Huwebes, Enero 15, 2026.

Kinilala ang biktima bilang si Shane, residente ng Purok 5 DAM, Barangay Landan, Polomolok.

Ayon sa ulat, natagpuan ang katawan ng biktima ng isang saksi sa isang plantasyon at agad itong ipinaalam sa mga awtoridad. Agad na nagresponde ang mga tauhan ng Polomolok MPS at Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng masusing imbestigasyon.

Isinasailalim sa post-mortem examination ang katawan ng biktima upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay. Patuloy rin ang pagsisiyasat ng pulisya sa mga huling nakasama ng biktima at kung paano ito nakarating sa nasabing lugar.

Ang kapulisan at lokal na pamahalaan ay nanawagan sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon.