Labing-anim (16) na dating rebelde at dating kasapi ng mga ekstremistang grupo ang pormal na ipinakilala ng 38th Infantry Battalion (38IB) kay Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. sa South Cotabato Provincial Capitol bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan.

Pinangunahan ni Lieutenant Colonel Erwin E. Felongco, Commanding Officer ng 38IB, ang naturang aktibidad katuwang ang 1st Mechanized Brigade na kinatawan ni Colonel Emil Rex Santos, Deputy Brigade Commander.

Sa naturang programa, isinagawa rin ang pormal na turn-over ng mga isinukong armas, kabilang ang M1 Garand rifles, M2 carbines, M653 rifles, improvised M16 rifles, homemade M79 grenade launchers, at 7.62 mm rifles.

Ayon sa ulat, ang mga Former Rebels (FRs) at Former Violent Extremists (FVEs) ay nakapasa na sa beripikasyon ng Joint AFP–PNP Intelligence Committee at sasailalim sa De-radicalization at Reintegration Program sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

“Ang tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na pagtitiwala ng mamamayan sa taos-pusong hangarin ng gobyerno na maghatid ng kapayapaan at pag-unlad,” pahayag ni LTC Felongco. “Mananatili kaming katuwang ng ating mga dating kalaban sa kanilang pagbabalik sa lipunan bilang produktibong mamamayan.”

Nagpahayag naman si Governor Tamayo ng buong suporta sa programa at tiniyak ang tuloy-tuloy na tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga nagbalik-loob sa pamamagitan ng mga kabuhayan, edukasyon, at pagsasanay sa hanapbuhay upang tuluyang makapagsimula muli sa kanilang mga komunidad.

Itinuturing ang hakbang na ito bilang isang malaking tagumpay ng Whole-of-Nation Approach at E-CLIP program sa South Cotabato, na nagpapakita ng matagumpay na pagtutulungan ng militar, pamahalaan, at mga lokal na sektor sa pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.