Sumuko sa tropa ng pamahalaan ang labing-anim na dating kasapi ng mga lokal na armadong grupong Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) nitong Nobyembre 12, 2025, bilang bahagi ng nagpapatuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa lokal na terorismo sa Central Mindanao.

Ayon kay Lt. Col. Al Victor C. Burkley, Commanding Officer ng 6th Infantry (Redskin) Battalion, boluntaryong lumapit ang mga dating rebelde sa himpilan ng 6IB sa Barangay Buayan, Datu Piang, at isinuko ang kanilang mga armas sa militar.

Kasunod ng pagsuko, ipinrisinta ang mga ito kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, sa isang maikling seremonya na layuning palakasin ang kampanya ng pamahalaan para sa pagbabalik-loob ng mga natitirang kasapi ng mga armadong grupo sa rehiyon.

Kabilang sa mga isinukong armas ay isang M16A1 rifle, dalawang 60mm mortar, isang sniper rifle, apat na rocket-propelled grenade (RPG), isang M79 grenade launcher, isang caliber .38 pistol, isang FAL rifle, dalawang M653A1 rifle, at tig-iisang caliber .50 at caliber .30 sniper rifle.

Dumalo rin sa aktibidad si Mayor Victor Samama ng Datu Piang, kasama ang mga kinatawan mula sa mga bayan ng Mamasapano, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Hoffer, at Nabalawag, SGA, BARMM, upang magpaabot ng tulong pinansyal at bigas sa mga nagsipagsuko. Ayon sa mga lokal na opisyal, bahagi ito ng kanilang reintegration support sa mga dating rebelde bilang tulong sa panibagong yugto ng kanilang pamumuhay.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Brig. Gen. Catu na ang pagtalikod ng mga dating kasapi ng DI-HG at BIFF ay nagpapakita ng pagnanais ng mga ito na mamuhay nang mapayapa sa kanilang mga komunidad.

Samantala, sinabi ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central (JTFC), na ang patuloy na pagsuko ng mga dating miyembro ng armadong grupo ay indikasyon ng epektibong pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno para sa kapayapaan at seguridad.

Dagdag pa ni Cagara, mananatiling bukas ang mga programa ng 6ID at JTFC para sa reintegrasyon at suporta sa mga nagbalik-loob, upang matulungan silang makapagsimula ng bagong buhay na ligtas at produktibo sa ilalim ng pamahalaan.