Labing-anim (16) na miyembro ng lokal na teroristang grupo ang kusang sumuko sa 6th Infantry Battalion ngayong Biyernes, Marso 14, sa Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Al Victor Burkley, Commanding Officer ng 6IB, iprinisinta nila ang mga sumukong indibidwal kay Brig. Gen. Edgar Catu ng 601st Infantry Brigade. Kasama sa pagsuko ang mga armas ng mga dating kasapi ng grupo.
Labindalawa sa mga sumuko ay mula sa Datu Salibo, tatlo mula sa Datu Saudi Ampatuan, at isa mula sa Shariff Saydona Mustapha.
Ayon kay Brig. Gen. Catu, hawak na ngayon ng 6IB ang mga armas para sa imbentaryo at tamang proseso.
Ang mga sumuko ay agad na nabigyan ng tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang tulong pinansyal, bigas, at produktong pansakahan. Kabilang sa mga nagbigay ng ayuda ang pamahalaang panlalawigan, Ministry of Public Order and Safety, Ministry of Social Services and Development, at Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng BARMM.
Nanawagan si Maj. Gen. Donald Gumiran ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division sa iba pang kasapi ng grupo na sumuko at huminto sa armadong aktibidad.