Nakumpiska ng mga sundalo mula sa 33rd Infantry (Makabayan) Battalion ang 17 na malalakas na baril mula sa magkaaway na grupo sa Sitio Damabago, Barangay Barurao, Sultan Sa Barongis, Maguindanao del Sur kaninang alas-sais ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Udgie Villan, pinuno ng 33IB, nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Marato Felmin at Baguindali Felmin, na parehong magkamag-anak, dahil sa personal na alitan.
Agad na rumesponde ang mga sundalo, kasama ang mga pulis ng Radjah Buayan at Sultan Sa Barongis MPS, kaya’t napigilan ang labanan. Agad na tumakas ang mga armadong grupo, iniwan ang kanilang mga armas, kaya’t nakumpiska ng mga sundalo ang 17 matataas na kalibreng baril.
Sinabi ni Col. Edgar Catu, pinuno ng 601st Brigade, na mabilis nilang inaksyunan ang insidente upang maiwasan ang mas malalang kaguluhan.
“Mahigpit naming binabantayan ang lugar upang hindi na muling sumiklab ang karahasan. Babala ito sa sinumang grupo na nagbabalak gumawa ng gulo, dahil laging handa ang inyong kasundaluhan upang panatilihin ang kapayapaan. Lalo na ngayon, istrikto tayo sa pagpapatupad ng election gun ban,” ayon kay Col. Catu.
Nanawagan naman si Brigadier General Donald M. Gumiran, pinuno ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, sa mga sangkot sa rido o away-pamilya na itigil ang paggamit ng mga ilegal na armas sa paggawa ng kaguluhan.
“Ang karahasan ay hindi sagot sa anumang hindi pagkakaunawaan. Ang mapayapang pag-uusap ang susi upang masolusyunan ang anumang sigalot. Makakaasa kayo na ang 6ID ay katuwang ninyo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating komunidad,” ani Brig. Gen. Gumiran.