Sa patuloy na kampanya ng pamahalaan upang mapuksa ang pagkalat ng mga loose firearms, isang kabuuang 17 matataas na kalibreng armas ang isinuko sa militar sa Maguindanao del Sur.

Ang aktibidad ay isinagawa sa himpilan ng 33rd Infantry (MAKABAYAN) Battalion sa Barangay Zapakan, Rajah Buayan, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons Management Program.

Kabilang sa mga isinukong armas ang lima (5) Rifle Cal. 30 Garand, limang (5) Rifle Cal. 30 Garand na ginawang M14, dalawang (2) Rifle Cal. 30 Mosin Nagant, dalawang (2) Shotgun 12 Gauge, isang (1) Rifle Cal. .45, isang (1) 5.56mm M16A1 Bushmaster, at isang (1) Carbine 5.56mm M4.

Ang mga armas ay isinuko sa tulong ng mga lokal na pamahalaan mula sa bayan ng Shariff Aguak, Shariff Saydona Mustapha, Datu Abdullah Sangki, Sultan sa Barongis, at Rajah Buayan.

Personal na iniharap ng mga kinatawan mula sa mga nasabing bayan ang mga baril kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (UNIFIER) Brigade ng 6th Infantry Division, Philippine Army.

Ayon kay Brig. Gen. Catu, ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay malinaw na pahayag laban sa karahasan at patunay ng pagtutulungan ng mga lokal na lider sa pagpapalaganap ng kapayapaan.

Hinikayat din niya ang publiko na iwasan ang anumang anyo ng karahasan, lalo na sa panahon ng halalan, at pinayuhan ang lahat na maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad.