Isang 19-anyos na estudyante ang nasawi matapos masalpok at makaladkad ng isang trailer truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa Sitio Centro Inn, Barangay Tasiman, Lake Sebu noong Abril 4, 2025, bandang alas-2:20 ng hapon.
Kinilala ng hepe ng Lake Sebu Municipal Police Station, Lt. Col. Bernie Faldas, ang driver ng trailer truck na si Jesson Frigillana, 36-anyos, residente ng Lambayong, Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat, papunta si Arjerine Enricoso, isang 19-anyos na estudyante mula sa Barangay Tasiman, sa Barangay Poblacion nang masalpok siya ng kasalubong na truck. Lumagpas umano sa linya ang truck habang paliko ito sa kalsada, kaya nabangga ang motorsiklo ni Enricoso.
Nakaladkad pa ng truck ang biktima at ang motorsiklo ng halos 25 metro bago nahulog sa bangin ang backhoe na karga nito. Agad dinala si Enricoso sa Lake Sebu Community Health Care Complex, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.
Matapos ang insidente, natakot na magtamo ng kaparusahan mula sa pamilya ng biktima si Frigillana, kaya tumakas ito mula sa pinangyarihan ng aksidente. Gayunpaman, sumuko rin siya sa mga awtoridad.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso si Frigillana kaugnay ng nangyaring aksidente.