Labing pito ang nalagas sa tropa ng isang inhinyerong datu habang dalawa naman ang natodas sa panig ng isang kumander matapos na magpang-abot at magkaroon ito ng engkwentro kahapon sa Barangay Kilangan sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao Del Sur.

Sa naging ulat, dumating umano sa lugar si Engr. Datu Alonto Sultan kung saan nais nitong okupahin ang lupa na siyang pinagsimulan na ng kaguluhan sa pagitan nila at ng grupo ni Kumander Ikot Dandua na dahilan upang malagasan ang bawat grupo.

Matagal na umanong may hidwaan ang grupo ni Engr. Sultan at ang grupo nina Commander Ikot Dandua at Commmander Bawsi at ito na ang naging mitsa upang magkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng dalawang grupo.

Dahil sa nangyari, sunod sunod na pagpupulong ang isinagawa nina Pagalungan Mayor Salik Mamasabulod, 602nd Brigade at 90th Infantry Batallion ng Philippine Army.

Dinala din ni Mayor Mamasabulod ang mga militar sa lugar upang matigil na ang girian. Una nang inihayag ni Sultan na mayroon itong papel na pinanghahawakan na kanyang pag mamay-ari ang 280 na ektaryang lupain sa Sitio Gageranin sa nasabing bayan kaya legal umano ang pagokupa nito na syang itinanggi ni Commander Bawsi sabay sabi nito na walang lupa si Sultan at ito ay mula pa sa kanilang mga ninuno.

Dahil dito, nagresulta sa malawakang pagbakwit ng maraming pamilya ang nasabing girian sa naturang baryo.