Mula sa isang ordinaryong checkpoint, nauwi sa malaking suntok laban sa smuggling ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) nang mahuli nila ang isang truck na puno ng iligal na sigarilyo noong Martes, Enero 20, 2026.

Ayon sa ulat, bandang 11:30 ng umaga, sa anti-criminality checkpoint sa 2nd MP, 1401st RMFC, RMFB 14A Pinantao Detachment, Brgy. Pinantao, Parang, Maguindanao del Norte, pinatigil ng mga pulis ang isang puting Isuzu wing van truck na kalaunan ay natuking nagtataglay ng smuggled cigarettes.

Sa masusing inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang libo-libong branded cigarettes na tinago sa mga dingding at sahig ng sasakyan. Hindi nakapagpakita ang drayber ng anumang dokumento na nagpapatunay na legal ang kargamento, kaya naaresto ang dalawang lalaking Filipino, 42 at 48 anyos.

Batay sa paunang imbentaryo, may kabuuang 4,582 reams ng sigarilyong iligal na nagkakahalaga ng tinatayang PHP 3,920,725.76. Kasama sa imbentaryo ang isang opisyal ng barangay, kinatawan ng PRO BAR Legal Service, at Bureau of Customs Sub-Port ng Parang sa pamamagitan ng video conference. Ang mga nasabat na sigarilyo at ang truck ay nakabinbin sa kustodiya ng Parang MPS, at ihahain sa Bureau of Customs para sa kaukulang kaso.

Pinuri ni PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga pulis sa kanilang pagiging alerto at disiplinado. “Ipinapakita ng operasyon na kapag nakatutok tayo sa intelligence at field presence, kaya nating sirain ang krimen na nakakasama sa ekonomiya at mamamayan. Patuloy naming paiigtingin ang mga hakbang para mapigilan ang ganitong uri ng ilegal na gawain at mapanagot ang mga sangkot,” ani Nartatez.

Binigyang-diin din niya na ang smuggling ay hindi ‘victimless crime,’ dahil nakakaapekto ito sa kita ng gobyerno at nagtutulak sa iba pang ilegal na gawain. Sa kasalukuyan, inihahanda na ang kaukulang kaso sa ilalim ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at iba pang batas.

Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng Focused Agenda ng PNP na naglalayong mas maging mabilis, tapat, at nararamdaman ang serbisyo ng kapulisan sa mamamayan, alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.