Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na tinanggal na nila sa ilalim ng kanilang kontrol ang bayan ng Buluan sa Maguindanao del Sur at Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Matatandaang isinailalim sa COMELEC control ang dalawang bayan matapos ang mga naitalang insidente ng karahasan bago ang halalan noong Mayo.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. Johnrex Laudiangco, tinanggal ang naturang mga bayan sa kontrol ng poll body matapos na wala nang naitalang kaguluhan sa lugar, dahilan upang pasyahan ng komisyon ang naturang hakbang.
Dagdag pa ni Laudiangco, tuloy-tuloy ang paghahanda ng COMELEC para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro region na nakatakda sa Oktubre 13.
Aniya, sisimulan na rin sa unang linggo ng Setyembre ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota, matapos itong pansamantalang ipahinto ng National Printing Office (NPO) dahil sa isyu ng redistricting.