Isinuko ng dalawang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang kanilang mga armas at pampasabog sa isinagawang intelligence operation sa Cotabato Province.
Kinilala ang mga sumukong suspek bilang sina alias “Yas” at alias “Sad,” na kapwa kabilang sa Bungos Faction ng BIFF.
Naganap ang kanilang pagsuko alas-3:30 ng hapon noong Marso 25, 2026 sa PSMU Office sa Brgy. Amas, Kidapawan City.
Pinangunahan ang operasyon ng Central Mindanao Team ng Counter Terrorism Division ng PNP-Intelligence Group, sa presensya ni Cotabato Police Provincial Director PCOL Ramel B. Hojilla.
Sa isinagawang turnover, ibinigay ni alias “Sad” ang dalawang rifle grenades na may RPG launcher, habang isinuko naman ni alias “Yas” ang isang rocket-propelled grenade anti-tank na may launcher.
Agad namang itinurn-over ang mga nasabing pampasabog sa Cotabato Provincial Explosives Ordnance Disposal and Canine Unit para sa tamang paghawak at disposisyon.
Pinuri ni PCOL Hojilla ang matagumpay na operasyon, at binigyang-diin na malaking hakbang ito upang pahinain ang mga armadong grupo at mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan.
Iginiit din ng PNP ang kanilang patuloy na commitment sa seguridad ng publiko sa pamamagitan ng intelligence-driven operations at pakikipagtulungan sa komunidad.

















